Princess Kiram sa mga guro: Ituro ang kasaysayan ng Sabah sapagkat atin ito!
Jose Rizal M. Reyes / makata at pilosopo ng Pilipinas / ika-6 ng Oktubre 2015
“Ngayong Teachers Day, gusto nating magpasalamat sa mga guro dahil sa kanilang napakalaking kontribusyon sa buhay ng bawat isa sa atin. Nawa ay masuklian namin ang iyong pagtitiyaga sa pamamagitan ng pagiging maalam, mahusay at mabuting mamamayan,” ito ang mensaheng ipinaabot ni Princess Jacel Kiram sa mga gurong Pilipino kaalinsabay sa pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng mga Guro kahapon, ika-5 ng Oktubre.
May pahabol na mensahe si Princess Kiram. Aniya: “Isa lamang ang nais naming hilingin sa inyo… ANG ITURO ANG KASAYSAYAN NG NORTH BORNEO/SABAH SA MGA MAG-AARAL NA PILIPINO DAHIL ATIN ITO. Salamat.”
Ang mensahe ni Princess Kiram para sa Araw ng mga Guro ay nakaposte sa wall ng Facebook page na “Princess Jacel Kiram 2016”. Kasama ng mensahe ay ilang larawang kuha sa University of Southeastern Philippines.
Kamakailan lamang ay nagmensahe din si Princess Kiram kay Pangulong Benigno Aquino III para batiin ito tungkol kay Apolinario Mabini at tanongin kung ano ang kanyang nalalaman sa kasaysayan ng Sabah.
“Binabati kita dahil alam nyo ang kasaysayan ni Mabini. Subalit mas mabuti sana kung alam nyo rin ang kasaysayan ng North Borneo (Sabah)!” ang sabi ni Princess Kiram kay Pangulong Aquino na nakasaad sa wiking Ingglis. Dagdag pa nya, “Kung iaatas nyo na pag-aralan ng mga estudyante ang kasaysayan ni A. Mabini, maaari rin bang iatas namin sa inyo na sabihin nyo sa amin kung ano ang natutunan nyo sa inyong pag-aaral tungkol sa Sabah issue? Dapat noon nyo pa ginawa ito, Ginoong Pangulo.”
Malimit anyayahan si Princess Kiram na magsalita tungkol sa Sabah issue, lalo na sa iba’t ibang paaralan. Ang kanyang laban at layonin na mabawi ng Pilipinas ang Sabah ay nagkakaroon ng maraming tagasuporta mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan, kasama na ang mga Muslim at Kristyano.
Nagsimula si Princess Kiram na malagay sa mata ng publiko noong taong 2013 nang mangyari ang tinatawag na Lahad Datu standoff, kilala rin sa taguring Sabah Homecoming. Ito ay isang pangyayari kung saan 235 katao — na ang tawag sa kanilang sarili ay Royal Security Forces of the Sultanate of Sulu and North Borneo — ang ipinadala ng kanyang amang Sultan Jamalul Kiram III sa Sabah para maresolba ang pangteritoryong suliranin ng Sabah. Nagtagal ang standoff o homecoming ng higit isang buwan, mula Pebrero 11 hanggang Marso 24 ng nasabing taon.
Dahil sa katapangangan at sakripisyong ipinakita sa Sabah Homecoming, muling nahimasmasan ang Philippine claim sa Sabah at maraming Pilipino ang nagpakita ng pagsuporta sa sultanato ng Sulu kahit pa salungatin si Pangulong Aquino na lantarang kumampi sa Malaysia.