Kong. Eleandro Jesus Madrona, baka matulad ang kapalaran kay Kong. Jose Carlos Cari ng Leyte
Nabuhayan ng loob ang kampo ng Liberal Party/Team Sulong Romblon na pinamumunoan ni dating gobernor Lolong Firmalo nang tanggihan ng Sandigang Bayan noong Oktubre 16 ang mosyon nina Kong. Budoy Madrona at iba pang akusado na i-dismiss ang kasong isinampa laban sa kanila hinggil sa pagbili ng liquid organic fertilizer noong 2004.
Ang iba pang akusado kasama ni Kong. Madrona ay sina dating provincial administrator Joel Sy, treasurer Ruby Fababeir, senior agriculturist Oscar Galos, agriculturist Geishler Fadri, general services assistant head Anthony Rugas at ang Feshan representative na si Elisa Morales.
Habang nagdiriwang ang kampo ng Oposisyon sa nangyari, sumulpot ang samo’t saring haka-haka tungkol sa maaaring pagkakulong ni Kong. Madrona at kung ano ang magiging implikasyon nito sa politika ng Romblon. Meron pa ngang isang kontrobersyal na empleyada ng provincial government na nagsabi umano na kapag nakulong si Madrona, si Gov. Otik Riano ang magiging konggresman at si Vice Gov. Dongdong Ylagan naman ang hahaliling gobernor. Nakupo, huwag po kayong maniwala sa mga ganung opinyon kasi maling-mali po yon!!
At saka, halos di pa gaanong umuusad ang kaso. Di pa nga nagpresenta ng ebidensya ang mga akusado. Kung baga sa boksing, kagagaling lang sa locker rooms ang mga magtutunggali at di pa nagbabakbakan ng argumento kontra argumento at ebidensya kontra ebidensya. Alam ng nagsampa ng kaso na hindi ganun katindi ang implikasyon ng pag-deny sa motion nina Kong. Madrona. “Small victory” lang ito.
Syempre pa, tuwang tuwang mag-speculate o mag-expect ang keyboard warriors & supporters ng kampo ni Dr. Lolong na makukulong si Kong. Budoy. Binabanggit pa nila ang kahawig na kaso sa ibang probinsya kung saan natalo sa kaso at nahatolan ng pagkabilanggo ang mga akusado.
Hindi dapat ito ikagalit ng ating konggresman at maging ng kanyang mga tagasuporta … dahil ito po ay hindi pang-iinsulto sa kanya kundi pabaliktad na papuri. Kung baga sa salitang Ingglis, backhand compliment o kaya ay reverse praise. Ibig sabihin nyan, wala silang kumpyansang manalo habang si Budoy Madrona mismo ang nakikipagtunggali sa ruweda ng politika. Kumbaga, kailangang mawala muna sya sa landas para sila magkaroon ng tsansang magwagi at mamayagpag.
Ano’t ano pa man, ayon kay Ruther Martin Mariño — isang keyboard warrior ng Team Botika — merong kahawig na kaso sa Leyte na napawalang-sala ang akusadong konggresman kasama ang kanyang kapwa akusadong nanay na meyor naman ng isang bayan sa nasabing lugar. Ito ay ang kaso ni Kong. Jose Carlos Cari at ng nanay nyang si meyor Carmen Cari ng Baybay city. Katulad ng kaso ni Kong. Madrona, ito ay tungkol rin sa pagbili ng fertilizer at nangyari rin ito noong taong 2004. Meyor noon si Jose Carlos at konggresista naman si Carmen.
Ano ang magiging implikasyon ng kasong kinahaharap ni Kong. Madrona sa takbo ng politika sa lalawigan ng Romblon? Teka lang, subokan nating ilatag ng maayos ang mga bagay bagay kahit man lang pahapyaw.
Noong Nobyembre 1, araw ng undas, namataan si dating gobernor Lolong Firmalo sa Odiongan public cemetery, nakikipagbatian at nakikihalobilo sa mga tao. Si Dr. Lolong Firmalo ang maituturing natin na pinakamabigat na politiko sa ating lalawigan, pangalawa lamang kay Atty. Budoy Madrona. Kamakailan, matunog ang usap-usapan sa napipintong pakikipaghamok ni Lolong Firmalo at Otik Riano sa pagkagobernador sa 2022. Kapag naganap ang ganitong pagtutunggali, ang resulta ay nakasalalay kay Gob. Riano. Kahit napakabigat ng kanyang makakalaban, napakalaki naman ang tsansa ng kasalukoyang gobernador kung magawa nya ang dalawang bagay:
- Maaksyonan ang mga hinaing at reklamo ng mga kapartido, lalo na ang Team Botika supporters sa Tablas. Isa na rito ay ang perception (mali man o tama) na mas inuuna pa ng Kapitolyong pakinggan, asikasohin at pagbigyan ang mga supporters ng kabilang partido. Marami ang nananahimik lamang dahil ayaw nilang masira ang Team Botika pero mahirap ring makulob yan kasi baka biglang sumambulat (at nangyari na nga paminsan-minsan, papetse-petse).
- Maitaguyod ang ipinangakong plataporma de gobyerno noong halalan — lalo na sa health services — at ito ay maproteksyonan kontra sa mga nagsasabotahe sa programa ng Riano administration (para wala itong gaanong accomplishments at madaling talonin) at kontra sa mga nasanay sa dating gawi (lalo na yong may mga raket na nagpapahirap pang lalo sa kalagayan ng mahihirap nating kababayan).
Ang katotohanan, di na bagong paksa ang inaasahang paghahamok nina Gob. Riano at Dr. Firmalo sa pagka-gobernador ng Romblon sa taong 2022. Nagsimula ang usap-usapang ganito ilang linggo, araw o oras lamang matapos ang nakaraang halalan. May nagsasabing ang aga raw, katatapos lang ng eleksyon. Ang sabi ko naman bandang huli, 3 years lang ang termino ng kongresman at local officials. Kayat sa ganang akin, tama lang na ang mga politiko ay maghanda kaagad kung seryoso talaga sila na magpamuno at tama rin na ang political analysts ay maagang magbigay ng kanilang kuro-kuro. Mahirap idaan ang pagkakandidato sa patsambahan at paswertehan.
Logical match-up ang Otik versus Lolong sa 2022 kaya natural, ito ang maging usap-usapan ng local political analysts & commentators. Bale, ang 2019 & 2022 ay magiging replay ng 2007 & 2010. Noon kasing nag-return bout si Budoy kontra kay Lolong noong 2007, nakabawi ang una sa huli kaya nag-1 all ang score nila. Pero noong 2010, embes na muling kalabanin si Budoy, ang hinarap at ginapi ni Lolong ay si incumbent governor Jojo Beltran, anak ni dating Kong. Jun Beltran. Kaya’t sa 2022, embes na mag-rematch uli sila ni Budoy, malamang na ang kakalabanin ni Lolong ay si Otik.
May pasubali lang yan. Kapag sinawing palad at natalo sa kaso sina Kong. Madrona, malaki ang posibilidad na ang tatakbohan ni Dr. Firmalo ay ang konggreso. Pero depende yan sa tantyahan ng lakas at kahinaan ng sariling kampo at ng kabilang kampo. Pag praktikalan ang pag-usapan, the safer battleground for Lolong Firmalo is the governorship. At saka, iiba ang political dynamics sa Romblon post-Budoy Madrona. Ayaw ko lang ianalisa masyado kasi alam nyo naman na ako ay enthusiastic supporter ng Team Botika hanggang sa ngayon eh baka mabigyan ko pa ng mga ideya ang mga di dapat bigyan ahaha.
May punto si Cajidiocan SB member at PCL president Marvin Greggy Ramos na sakaling magretiro si Kong. Budoy, nandyan ang kapatid nya na si Meyor Denon Madrona ng San Agustin para maging bagong standard bearer ng ruling coalition sa pagkakonggresista. Sa ganyang scenario, ang tantya ko malakas ang tsansa ni Denon na talonin sinoman ang makalaban nya lalo na at tatakbo sya na nakasakay sa pambihirang track record of accomplishments ng kanyang nakakatandang kapatid at magmamana ng matibay nitong political machinery province-wide. Maging sa San Agustin, nakakaipon na rin sya ng pansarili nyang track record kasama na yong seal of good local governance na iginawad kamakailan ng DILG sa kanyang munisipyo.
Yan ay kung magretiro na sa politika si Kong. Budoy. O kaya ay matalo sa kasong kinakaharap sa ngayon. Pero dahil na nga sa precedence ng mag-inang Cari — pati na yong pagwagi ng pamilyang Marcos sa Sandiganbayan kamakailan lamang — malaki ang aking paniniwala at kumpyansa na kayang mapagtagumpayan nina Kong. Budoy ang kaso sa pagbili ng fertilizer kundi man ito ay uusad na parang pagong hanggang sa taong 20forgotten.
Kung ako ang tatanongin, simple lang naman ang dapat gawin ng kampong Madrona — konsultahin ang legal team ng mag-inang Cari pati na ang legal team ng pamilyang Marcos at tanongin sila tungkol sa winning strategy o magic formula para maipanalo ang kaso sa Sandigangbayan.
Maliban pa sa nabanggit na mga pangalan, sino-sino pa ang mga posibleng major political players sa 2022? Lalo na yong mga pwedeng isalang o kaya ay isaalang-alang sa posisyon ng konggresman, gobernor at vice governor. Wala akong masyadong alam sa panig ng Oposisyon maliban kina Lolong Firmalo, Bong Fabela at Dongdong Ylagan. Pero minsan, may nabanggit sa isang umpokan na dalawang pangalan na pareho ko ring nakalimotan kasi di ko sila pareho kilala. Panglaban raw ng Oposisyon sa pagkakonggresman sa 2022. Tila ang hinahanap nila ay yong kilala, matagumpay na sa buhay, at syempre maraming perang panggastos.
Kailangan nilang makakita ng pangtapat kay Kong. Budoy para malibang ito at mabaling ang atensyon sa ibang bagay dahil kung hindi, magiging malaya ang konggresista ng Romblon na suportahan ng todo-todo ang kanyang kandidato sa pagkagobernador. Kaya bugbog-sarado ang kalaban. Isa sa naringgan ko ng ganyang scenario ay si Bjie Riano, isang key officer sa office of the governor, nang ganapin ang isang DOH seminar noong Agosto 15 sa Sato Dizon Hotel sa Odiongan.
Sa panig naman ng Team Botika, maituturing na deep bench sila. Maliban kina Budoy, Otik at Denon, nariyan sina dating SP member Arming Gutierrez, Engr. Roger Fodra, Meyor Arthur Rey Tansiongco ng Magdiwang, Meyor Gard Montojo ng Romblon, PCL president Marvin Greggy Ramos ng Cajidiocan, at kung sino-sino pa mang nakalimotan kong banggitin o kaya ay hindi nahagip ng aking paningin. Maraming spare tire kung saka-sakali.
(Updated at 8:27 P.M. of the same day, November 3, 2019.)
Other Romblon-related articles:
- A Simaranhon asks: Botika o Botik?
- Pagkahalal ng bagong house speaker Alan Peter Cayetano: Makabubuti ba o hindi sa probinsya ng Romblon?
- Coconut crab, a threatened species, found in Odiongan for the first time
- Ang maduckduck na si Caleb Tibio, bow!
at ang pagkakaiba ng lame duck, dead duck, quick duck at sitting duck - Brown mud, black mud
- Budoy Madrona, payapang nag-preside ng miting sa Kamara
habang nagkakagubot ang mga Romblomanon tungkol sa preventive suspension - Let’s give the Riano administration the traditional 100-day honeymoon period
- Tropang Alolong not intellectually equipped to challenge Team Botika in the field of PR and propaganda
masyado silang asa sa style ni Joseph Goebbels - Amazing handicrafts by Annabelle C. Riano
The secret art and talent of the first lady of Romblon - Habang binabagyo ng batikos sa social media, parang ipoipo naman ang kayod ni Gob. Riano sa Metro Manila