Gob. Otik Riano at Romblon SP, inihahanda ang lalawigan para harapin ang panganib ng Novel Coronavirus

Jose Rizal M. Reyes
5 min readFeb 1, 2020

--

Bumuo si Gob. Jose “Otik” Riano ng isang Novel Coronavirus Special Committe para ihanda, iiwas at protektahan ang Romblon sa nasabing mapanganib na sakit na nanggaling sa Wuhan, China. Napag-alaman natin ito mula sa dalawang reliable sources sa Kapitolyo.

Ang special committee ay pinamumunoan ng gobernador bilang chairperson. Ang dalawang vice chairperson ay sina Sangguniang Panlalawigan member Rachel Bañares, chairman ng SP committee on health and public sanitation; at si Dra. Ederlina Espulgar Aguirre, provincial health officer. Mga kasapi naman ang iba’t ibang medical and health officers, department chiefs ng provincial government, Philippine Coast Guard representative at Tablas Airport officer in charge.

(Photo from Novel Coronavirus Information Center)

Ang pagbuo ng special committee para ihanda ang lalawigan sa panganib ng novel coronavirus ay nakapaloob sa Executive Order №50 na nilagdaan at kaagad inimplementa ng gobernador.

Ayon kay provincial administrator Lizette Mortel, nagpasa ang Sangguniang Panlalawigan kahapon — Enero 31, 2020 — ng isang resolusyon na nag-aatas sa provincial health office na maghanda ng mga hakbang para harapin ang panganib ng novel coronavirus. Kasama rin sa mga naatasan ay ang Philippine Coast Guard stations, provincial tourism office, at ang provincial disaster risk reduction management office.

Ang resolusyon ng Sangguniang Panlalawigan na nag-aatas sa PHO, tourism office, Coast Guard at PDRRMO na ihanda ang ating probinsya sa panganib ng novel coronavirus.
Kahit na hindi kinakitaan ng sakit ang apat na turistang Tsino na lumikha ng instant controversy kahapon (kataposang araw ng Enero), ito ang komentaryo ni SP member Rachel Bañares: “Kaso, yung iba nating mga kababayan, they insist na kahit walang symptoms ng novel coronavirus, the provincial government should still do something … Kung ano ang dapat gawin, it is the health personnel na dapat nakaka alam talaga… need ba sila i-quarantine? That is why we passed a resolution for the proper protocol to be established.”

Matatandaang kahapon rin, kumalat ang balita sa Facebook na mayroon umanong mga turistang Tsino na tumitigil sa Balai Azinan, isang resort sa Calatrava. May nagsasabing nanggaling sila sa Wuhan, China at pumunta muna ng Boracay bago pumuntang Romblon. Makikita sa ibaba ang dalawang sampol ng sari-saring bersyon at espekulasyon tungkol sa nasabing mga turista.

Post ni Charlene Joy Fallaria, isa sa mga netizens na nais linawin ang katotohanan sa likod ng bali-balita.
Post ni Juan de la Cruz sa Fb group Padayon Romblon kahapon, January 31, bandang 4 PM.
Post ni Juan de la Cruz sa Fb group Padayon Romblon kahapon, January 31, bandang 4 PM.

Subalit ayon sa ulat ng Romblon News Network, nanggaling umano ang apat na turistang Tsino hindi sa Wuhan kundi mula sa Shiyan, bahagi ng Hubei Province ng China. Pagbaba ng kanilang eroplano sa Manila, dumiretso sila ng Lucena bago sumakay ng barko patungong Marinduque at sila’y dumating sa Tablas kahapon ng umaga.

Ayon pa sa RNN, tiniyak ni Dra. Aguirre, PHO chief, ang kalusogan ng mga turistang Tsino. “Okay naman sila, walang may lagnat, walang may headache, walang may sipon, at walang may-ubo. In-fact naligo pa nga sila kanina sa dagat doon sa resort,” sabi umano ni Aguirre.

Liban pa sa pagbabantay ng provincial health office at DOH-Romblon, nakakalap rin tayo ng balita na maging ang rural health unit ng San Agustin ay minomonitor ang mga nasabing turista sapagkat malapit lang ito sa kanilang bayan.

Kahit araw ng Sabado, magpupulong ngayong hapon sa Kapitolyo ang mga kasapi ng novel coronavirus special committee upang i-update ang provincial government kung ano na ang status ng pagbisita ng mga turistang Tsino. Layon rin ng pagpupulong na mag-adopt ng precautionary measures para mapanatag ang loob ng mga Romblomanon at manalig na ang ating health personnel ay kontrolado ang sitwasyon kaya hindi sila dapat mag-panic.

Samantala, may magandang balita na nanggagaling mula sa ating di-gaano kalayoang kapitbahay, ang Australia. Paspasan sa ngayon ang kanilang mga siyentipiko na maka-develop ng gamot kontra sa novel coronavirus. At buo ang kanilang kumpyansa na hinid magtatagal ay matutupad ang kanilang adhikaing makakita ng lunas sa nabansagang misteryosong sakit.

Post Script (February 1, 2020 / 5:38 PM):

Flash! Flash! Flash!

Isang kasapi ng FB group Romblon Politics na nagngangalang Jashnash Dela Paz Ilao ang nagpakita ng katibayan na ang Hubei province kung saan nanggaling ang apat na turistang Tsino na dumating sa Tablas ay hindi rin maituturing na ligtas sa coronavirus. Ipinaskel nya ang photocopy ng isang news report na nagsasabing ipinagbawal ni Pres. Rodrigo Duterte ang mga byahero mula sa Hubei — isang lugar sa Tsina na under lockdown sa ngayon kaya may mga nagsasabing bale wala umanong kwenta ang pagbabawal.

Ang punto rito eh dapat na talagang parehong mag-ingat ang ating pamahalaan at mamamayan. Interconnected na talaga ngayon ang ating planeta kaya pati sakit ay interconnected na rin. Ang lalawigan ng Romblon ay hindi na isang isolated place tulad noong mga unang panahon.

Gayonpaman, kahit tayo mag-ingat at maghanda, sana naman ay huwag masobrahan ang ating pag-aalala kasi baka yon ang maging sanhi ng ating pagkakasakit embes na ang coronavirus mismo. Tandaan natin na yong SARS at MERS noon, pagkatapos kapwa maghasik ng malawakang sindak at alalahanin, ay bigla ring naglaho.

Post Post Script (February 1, 2020 / 6:11 PM):

Ito pa ang siste, kung babasahin nyong maige ang photocopy ng dyaryong ipinaskel, mapapagtanto natin na yong Wuhan ay sya mismong capital city ng Hubei province. Ibig sabihin, ang Wuhan at ang Shiyan (kung saan nanggaling ang apat na turistang Tsino) ay parehong bahagi ng Hubei province!

Other Romblon-related articles:

--

--

Jose Rizal M. Reyes

Jose is a poet-philosopher. He writes poems and essays. He is best known as the inventor of many new sonnet rhyme schemes being used today around the world.