Gob. Jose R.Riano, pinapahanda ang mga Romblomanon sa bagyo Ambo
Signal number 1 na sa buong Romblon subalit di pa rin ito nararamdaman sa Odiongan.
Mayo 14, 2020 — Nakipagpulong ngayong umaga si Gov. Jose “Otik” Riano sa mga kasapi ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) dahil sa paparating na bagyo Ambo (international name: Vongfong), ang unang bagyo ng Pilipinas ngayong taon.
Ang gobernador ang siyang chairman at presiding officer ng PDDRMC.
Ayon sa PAGASA, inaasahang babagsak sa lupa ang bagyo Ambo ngayong hapon (Mayo 14) sa Northern Samar. Sa Byernes o Sabado (Mayo 15 o 16), ang bagyo ay tinatayang mananalasa sa Metro Manila dala ang ulan at malakas na hangin. Sa Martes naman (Mayo 18) ito tinatantyang lalabas sa Philippine area of responsibility.
Hindi man masesentrong tamaan ang ating lalawigan, ipinasailalim ng PAGASA sa storm signal number 1 ang silangang bahagi ng Romblon kasama na ang Banton, Corcuera, Calatrava, San Agustin, Romblon, Magdiwang, San Fernando at Cajidiocan.
LATEST UPDATE
* Storm signal number 1 na ang buong lalawigan subalit hindi pa rin ito nararamdaman sa Odiongan as of 3:33 PM.
* Nag-landfall na ito sa Eastern Samar kaninang tanghali.
* Nasa malakas na category 3 typhoon na ngayon ang bagyo Ambo at tinatayang kasinglakas ito ng bagyo Tisoy.
Sa isang mensahe, pinaalalahanan ng gobernador ang ating mga kasimanwa na “maging alerto sa lahat ng oras kapag may bagyo; maghanda kaagad ng pagkain, tubig, flashlight at cellphone sa bahay in case of emergency; huwag munang magbyahe; at isulat ang mahahalagang phone numbers para matawagan kaagad kung kinakailangan.”
Ipinapaalam rin ni Gob. Riano na nakaalerto ang provinciDRRMC office 24/7 at nakahanda rin ang mga ambulansya, rescue boats at rescue cars ng lalawigan kung kakailanganin maliban pa sa mga kagamitan ng municipal DRRMCs.
Bukod pa kay Provincial Administrator Lizette Mortel, dumalo rin sa nasabing pagpupulong sina Col. Roseller Muros ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, Ens. Raymar Aylwynh Pirame ng Philippine Coast Guard, Richard Magayam ng PAGASA at Hipolito Berano ng DepEd, liban pa sa iba.
Ginanap ang pagpupulong sa conference room ng Office of the Governor sa Romblon, Romblon.